1. Fri, May. 28, 2010    

    WASABE

    Bakit WASABE? Simple lang.

    Wala Akong maSABE.

    Ano nga ba ang sasabihin ko? Sa totoo lang marami akong gustong sabihin, ngunit alam ko na hindi pa ito ang tamang panahon para sabihin iyon. Sa ngayon, ating pag-usapan muna ang mga bagay na nahihirapan tayong sabihin/magsabi ng saloobin kaya madalas ay WASABE nalang.

    Minsan, kapag tayo ay napapagalitan, ang turo sa atin ay huwag tayong sasagot. Minsan, alam natin na may punto ang sasabihin ngunit dahil sa itinurong asal sa atin, WASABE tayo.

    Minsan naman kapag ikaw ay kumakain, at sobra mamburaot ang nakapaligid sa iyo, nahiya kang sabihin na gutom ka at sana huwag na silang kumuha ng pagkain mo dahil baka mamaya ay sabihin madamot ka. Sa ganitong panahon, ayaw nating isipin na tayo ay maramot kaya WASABE nalang.

    Kapag may nag-uusap sa grupo niyo at wala kang mai-share na kwento na tungkol sa paksa, madalas ay ngumingiti na lamang tayo. Pilit na iniintindi ang kanilang paksa at pilit na nag-iisip ng masasabe. Ngunit sa ganitong klaseng kwentuhan na marami silang nakaka-relate at ikaw lang ang hindi, WASABE ka nalang din.

    Nanood ka ng isang patimpalak o kasiyahan sa isang lugar. Manghang-mangha ka sa mga nakita mo, tuwang-tuwa ka. Sa sobrang saya, at sa sobrang pagkamangha, WASABE ka na.

    Dumating ang crush mo, nag-hi sa iyo. Hindi ka prepared eh. Mapapatulala ka nalang. WASABE ka na rin.

    May nalaman kang isang sikreto. Hindi ka makapaniwala sa sikretong ito. Imbis na gatungan ito, WASABE ka na.

    Minsan ay mapapahiya ka sa ibang tao. Mahirap iahon minsan ang sarili sa kahihiyan. Minsan ay kinakalimutan na lamang natin ito, gayunpaman, WASABE parin tayo sa nangyari.

    Alam mo na yung taong mahal mo ay may mahal nang iba. Imbis na guluhin mo pa ang mundo nila, WASABE ka nalang. Para lang masaya sila.

    Mahirap kapag mahal mo ang isang tao na malapit sa iyo. Inaalagaan mo ang inyong relasyon bilang isang matalik na magkaibigan ngunit hindi mo maiiwasang mahulog ka sa kanya. Mahal mo siya. Ayaw mo nang masira pa ang inyong pagkakaibigan. Sa ganitong sitwasyon, mananahimik ka nalang. WASABE nalang.

    Madalas ay madaldal tayo sa mga kasiyahan at kung anu-ano pa. Ngunit may mga malalaking bagay na hindi talaga natin masabi ng isang bagsakan. Ang iba ay pinaghahandaan, ang iba ay pinag-iisipan, ang iba naman ay kinakabahan, pero ang iba, sadyang ayaw lang nilang sabihin ito para sa kapakanan ng iba.

    WASABE.
    WASABE.
    WALA AKONG MASABE.

    Positibo man o negatibo, may kanya-kanya tayong dahilan kung bakit hindi natin masabi ang isang bagay. Minsan mas maganda kung mananahimik nalang tayo. Walang masasaktan, walang mananakit.



    ..

    [inspired by my old friend. Nagsimula sa drama sa akin na “BAKIT MAS MAHIRAP SABIHIN ANG I LOVE YOU KAYSA SA I HATE YOU?”]

    hanggang sa muli, paalam! :)



  2.